DALAWANG LALAKI ARESTADO SA ILEGAL NA BENTAHAN NG PAPUTOK SA BAYAMBANG

Dalawang lalaki ang naaresto sa magkahiwalay na operasyon ng pulisya matapos mahuli sa ilegal na pagbebenta ng paputok sa Bayambang, Pangasinan kahapon, Disyembre 31, 2025.

Ayon sa pulisya, bandang alas-kwatro ng hapon, inaresto ang isang 25-anyos na lalaki matapos maaktuhang nagbebenta ng mga paputok sa isang hindi awtorisadong lugar at walang kaukulang dokumento.

Isinagawa ang operasyon matapos makatanggap ng ulat mula sa isang concerned citizen.

Nakumpiska mula sa suspek ang marked money at iba’t ibang uri ng paputok, kabilang ang kwitis, baby rockets, fountain, sparklers, at triangle firecrackers na tinatayang nagkakahalaga ng ₱2,000.

Sa hiwalay na operasyon, bandang alas-tres ng hapon ng parehong araw, isa pang lalaki, 37-anyos, ang inaresto rin matapos maaktuhang nagbebenta ng paputok sa isang poseur buyer.

Nakumpiska mula rito ang marked money at iba’t ibang uri ng firecrackers gaya ng kwitis, fountain-type firecrackers, whistle bombs, at triangle firecrackers na may tinatayang halagang ₱3,000.

Ang dalawang suspek at ang mga nakumpiskang ebidensya ay dinala sa Bayambang Municipal Police Station para sa kaukulang disposisyon at pagsasampa ng kaso.

Facebook Comments