DALAWANG LALAKI NA UMANO’Y NAGPAPUTOK NG AIRSOFT GUN SA ISANG SUV SA SISON, ARESTADO

DALAWANG LALAKI NA UMANO’Y NAGPAPUTOK NG AIRSOFT GUN SA ISANG SUV SA SISON, ARESTADO
Arestado ang dalawang lalaki matapos umanong magpaputok ng Airsoft gun sa isang SUV habang binabagtas ang National Highway sa Barangay Poblacion Central, Sison, Pangasinan, bandang alas-8:35 ng umaga noong October 31, 2026.

Ayon sa Sison Municipal Police Station, nabasag ang rear windshield ng SUV matapos umanong habulin at paputukan ito ng mga suspek na lulan ng motorsiklo.

Kinilala ang isang 21-anyos na lalaki na umano’y nagpaputok ng Airsoft gun at 20-anyos na lalaki na nagmamaneho naman ng motorsiklo.

Sa backtracking ng CCTV footage, natunton ng mga pulis ang kinaroroonan ng mga ito sa Barangay Dungon at nakumpiska sa kanila ang isang gas-operated Airsoft pistol, mga metal pellet, isang gas canister at ang ginamit na motorsiklo.

Ayon din sa paunang imbestigasyon, nag-ugat umano ang insidente matapos maramdaman ng mga nakamotorsiklo na nagitgit umano sila ng SUV habang nag-o-overtake ito na siyang kanilang ikinagalit at naging dahilan sa pagpapaputok gamit ang Airsoft gun.

Nagsampa ng kaukulang reklamo laban sa dalawang suspek na kalaunan ay pansamantalang nakalaya matapos makapaglagak ng tig-₱100,000 piyansa sa korte.

Muling nagpaalala ang kapulisan sa publiko na pairalin ang pasensya at disiplina sa pagmamaneho at iwasang gumamit ng anumang uri ng armas o replika nito upang manakot o manakit ng kapwa. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣

Facebook Comments