Dalawang Magsasaka sa Delfin Albano, Isabela, Arestado Matapos Masamsaman ng mga Baril, Granada at Marijuana!

*Delfin Albano, Isabela- *Arestado ang dalawang magsasakang lalaki matapos masamsaman ng mga baril, bala, granada at Marijuana sa ikinasang Search Warrant ng mga otoridad bandang alas singko kaninang umaga, Agosto 3, 2018 sa Brgy. Calaocan, Delfin Albano, Isabela.

Kinilala ang mga magsasakang nadakip na sina Jojo Dumaliang, kwarenta anyos, may-asawa at Esmer Zubia, kwarentay singko anyos at pawang mga residente ng nasabing barangay.

Batay sa nakuhang impormasyon ng RMN Cauayan, nakuha mula sa bahay ni Dumaliang matapos isagawa ang Search Warrant ang isang kalibre kwarentray singko, dalawang magazine ng cal 45, labingtatlong piraso ng bala ng cal 45, tatlong bala ng armalite at isang hand grenade.


Nasamsam naman sa bahay ni Zubia ang limang piraso ng bala ng cal 45, limang piraso ng bala ng kalibre 9mm, isang hand grenade at isang plastic bag na naglalaman ng mga tuyong talbos ng Marijuana.

Hawak na ng PNP Delfin Albano ang dalawang suspek maging ang mga nakumpiskang item at inihahanda na ng kapulisan ang mga kakaharaping kaso laban kina Dumaliang at Zubia.

Facebook Comments