Inamin ni presidential aspirant Senador Panfilo “Ping” Lacson sa isinagawang press conference sa Aseana sa Lungsod ng Parañaque na may nag-alok sa kanila ng kaniya ka-tandem na si vice presidential aspirant Senador Vicente “Tito” Sotto III ng tulong para sa pondo sa kanilang kampanya subalit kanila itong tinanggihan.
Ayon kay Lacson, dalawang maleta na puno ng pera ang inalok sa kanila subalit mariin nila itong tinanggihan dahil may kapalit na legislation na dapat nilang lagdaan.
Iginiit ni Lacson, maari naman nilang tanggapin ang tulong kung ito ay walang hinihiling na kapalit subalit kung may kapalit na legislation malabo aniyang kagatin nila ito.
Ayon kay Sotto, ganoon ang prinsipyo nila ni Lacson tapat sila sa taumbayan at hindi kanino man.
Hiling naman nila Lacson at Sotto sa publiko na sana ay makita ang kanilang katapatan at sinseridad para sa taumbayan at mapatunayan ang kanilang layunin na ayusin ang gobyerno at ayusin ang buhay ng mamamayang Pilipino base sa kanilang plataporma, track record at adbokasiya.
Sa huli, sinabi ni Lacson na matapos nilang tanggihan ang alok na dalawang maleta na puno ng pera kapalit ng pagpirma sa isang legislation ay isang candidate ang tumanggap nito na hindi pinangalanan ng senador.