Isinulong nina Surigao del Norte Representative Robert Ace Barbers at Camarines Sur Representative LRay Villafuerte na mabigyan din ng benepisyo ang mga bata o tinawag nilang ‘junior citizens.’
Sa inihaing House Bill 92 ni Barbers at sa House Bill 8312 na inihain naman ni Villafuerte ay nakapaloob ang pagbibigay ng health benefits at mga diskwento sa mga batang edad 0 to 12 years old na ang pamilya ay kumikita ng P250,000 kada taon.
Kabilang dito ang 20% discount at value added tax (VAT) exemption sa gamot, bakuna, milk supplements, professional fee ng mga doktor mula pribadong ospital at health care facilities, professional fee ng mga homecare service providers, gayundin sa mga medical at dental services at laboratory sa pribadong pasilidad at iba pang kahalintulad na serbisyo.
Base sa panukala, may diskwento rin ang mga junior citizen sa admission fee sa sinehan at iba pang uri ng leisure at amusement pati sa funeral at burial services sakaling ito ay pumanaw.
Magkakaroon naman ng junior citizen ID at booklet na maaaring kunin sa barangay o local government unit (LGU) at awtomatiko rin silang mapapasailalim sa PhilHealth coverage.