Dalawang Miyembro ng Budol-budol Gang, Nasakote sa Alicia, Isabela!

Alicia,Isabela- Nasakote ng kapulisan ang dalawang miyembro ng budol-budol gang habang tinutugis na ang isa pa nilang kasama matapos mambiktima ng isang lola dakong alas nuebe kaninang umaga, Hunyo 21, 2018 sa Brgy. San Antonio, Alicia, Isabela.

Kinilala ang mga suspek na sina Arlene De Guzman, kwarentay kwatro anyos, walang asawa at residente ng Brgy. San Leonardo, Gapan, Nueva Ecija at ang isa pang suspek na si Marissa Magdayao, kwarentay otso anyos, walang asawa at residente ng Brgy. Zapote, Las Piṅas City habang ang biktima naman ay si Raquel Reyes, animnapu’t siyam na taong gulang at residente naman ng Brgy. Apanay, Alicia, Isabela.

Batay sa pagsisiyasat ng PNP Alicia, papasok na sana ang biktima sa palengke nang lapitan ito ng ni Arlene at nagpakilala na naging kaklase nito sa secondary level ang anak ng biktima hanggang sa alukin ito ng suspek sa loob ng kanilang sasakyan na may plakang ZEA 593.


Habang nasa loob na ng sasakyan ang biktima kasama ang dalawang suspek maging ang kanilang drayber ay pinangakuan umano ito ng dalawang suspek na dodoblehin nila ang kanyang pera kung ibibigay nya ito sa kanila.

Agad naman umanong naniwala ang biktima kaya’t ibinigay ang kanyang dalang pera na nagkakahalaga ng apatnapung libong piso maging ang kanyang mga alahas na nagkakahalaga ng isangdaang libong piso.

Nang matunugan umano ng biktima ang isinasagawang panloloko ng mga suspek ay agad na inireport sa kapulisan na nagresulta sa pagkakaaresto ng dalawang suspek habang ang kanilang drayber naman ay maswerteng nakatakas.

Sa ngayon ay nakapiit na ang dalawang suspek na mahaharap sa kanilang kaukulang kaso habang ang isa pa nilang kasamahan ay pinaghahanap na ng kapulisan.

Facebook Comments