Pinalaya na ng Philippine National Police (PNP) ang dalawang miyembro ng Tau Gamma Phi Fraternity Bulan Chapter matapos na masangkot sa hazing na ikinasawi ng isang criminology student na si Omer Despabiladeras sa Bulan, Sorsogon nitong Pebrero 16.
Ito ang kinumpirma ni PNP Chief General Archie Francisco Gamboa.
Aniya, walang nagsampa ng kaso sa dalawang miyembro ng fraternity na kinilalang sina Rembrandt Panes Gerolao at Ulysis Bello Berania, kaya matapos ang 72 oras na nasa police custody ay pinalaya na ang mga ito.
Sinabi pa ni Gamboa, wala ring tumayong witness laban sa dalawa kaya napilitan ang mga pulis na palayain ang mga fraternity members.
Pero nagsasagawa na aniya ang PNP Bulan ng imbestigasyon para makapangalap ng ebidensya laban sa mga may gawa ng hazing sa biktima.
Matatandaang noong Pebrero 16 ay isinugod nina Gerolao at Berania ang biktima sa ospital sa Bulan matapos na magtamo ng mga pasa sa hita, likod at iba’t ibang parte ng kanyang katawan pero idineklarang dead-on-arrival.
Sa ulat ng PNP Bulan, si Despabiladeras ay sumailalim sa initiation rites dahil sa pagiging bagong miyembro ng Tau Gamma Phi Fraternity Bulan Chapter.