
Dalawang Most Wanted Persons sa Pangasinan ang naaresto ng mga awtoridad ng Police Regional Office 1 sa magkahiwalay na operasyon noong Lunes, Marso 9, 2026.
Unang nadakip ang Top Most Wanted Person na isang 52-anyos na lalaki sa Laoac matapos isilbi ang warrant of arrest ng mga operatiba ng Laoac Municipal Police Station.
Nahaharap ang suspek sa anim na bilang ng kasong rape at walang inirekomendang piyansa.
Samantala, sa Rosales, inaresto naman ng mga tauhan ng Rosales Municipal Police Station ang 3rd Most Wanted Person ng bayan na isang 61-anyos na lalaki.
Nahaharap ang suspek sa kasong Acts of Lasciviousness sa ilalim ng Article 336 ng Revised Penal Code na may ₱200,000 na piyansa.
Ayon sa ulat, kapwa nasa kustodiya na ng pulisya ang dalawang akusado habang inihahanda ang kaukulang dokumentasyon para sa kanilang mga kaso. |𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣










