Manila, Philippine – Tuloy na tuloy na ang ikinasang nationwide transport strike ng grupong Piston sa Lunes at Martes (Oct. 16 at 17) bilang pagprotesta sa PUV modernization program ng gobyerno.
Kaya naman pinayuhan ang mga pasahero na umiwas sa ilang protest center ng grupo tulad ng Cubao, Monumento, Mabuhay Rotonda, Alabang at Commonwealth Avenue.
Sabi ni Piston National President George San Mateo, hindi kasi kakayanin ng mga tsuper at operator na magbayad sa uutangin para sa modernong jeep.
Base kasi sa komputasyon ng Land Transportation and Franchising Regulatory Board ay nasa 24,000 pesos kada buwan sa loob ng pitong taon ang dapat bayaran ng mga ito.
Kaagad namang tiniyak ni Metropolitan Manila Development Authority Spokesperson Celine Pialago na nakahanda sila para sa naturang transport strike.
Ilan pa sa mga grupong sumusuporta sa dalawang araw na nationwide transport strike ay ang Migrante, Kadamay, Kilusang Mayo Uno at League of Filipino Students.