DALAWANG NAWAWALANG BATA SA SAN FERNANDO CITY, LA UNION, LIGTAS NA NAIBALIK SA KANILANG PAMILYA

Ligtas na naibalik sa kanilang pamilya ang dalawang batang iniulat na nawawala sa San Fernando City, La Union, matapos silang matagpuan ng pulisya at maihatid sa kanilang mga magulang.

Rumesponde ang San Fernando Police Station matapos iulat ng isang concerned citizen ang dalawang menor de edad na natagpuan sa baybayin ng Barangay Pagdalagan.

Ang magkapatid na may edad 10 at 12 ay agad na dinala sa Pagdalagan Police Community Precinct para sa kanilang kaligtasan.

Sa paunang ulat, napag-alamang umalis ang magkapatid sa kanilang bahay sa Aringay, La Union sakay ng bisikleta patungong San Fernando City upang hanapin ang kanilang ama.

Nang hindi ito matagpuan, napadpad ang mga bata sa baybayin ng nasabing barangay.

Pinakain at inalagaan muna ng mga pulis ang mga bata habang inaalam ang kinaroroonan ng kanilang pamilya.

Sa pamamagitan ng social media monitoring, natunton ang Facebook post ng kanilang ina na nag-uulat sa pagkawala ng mga anak, dahilan upang agad siyang makontak ng mga awtoridad.

Sa tulong ng Women and Children Protection Desk ng City PNP, maayos na naiturn-over ang mga bata sa kanilang pamilya.

Nagpasalamat naman ang mga magulang at kinilala ng pulisya ang naging papel ng concerned citizen sa ligtas na pagbabalik ng mga bata. |𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣

Facebook Comments