Dalawang opisyal at abogado ng isang cold storage facility pinatawan ng contempt ng House Committee on Agriculture and Food

Ipina-contempt ng House Committee on Agriculture and Food sina Argo Trading Cold Storage Facility President Efren Zoleta Jr., Operations Manager na si John Patrick Sevilla at legal counsel na si Atty. John Ryan Cruz.

Si SAGIP Party-list Rep. Rodante Marcoleta ang nag-mosyon para i-cite in contempt sila matapos mabigong isumite ang mga dokumento patungkol sa kanilang kliyente at inventory ng sibuyas na inimbak sa kanilang pasilidad.

Nabatid ng komite na hindi totoong may confidentiality agreement sa kontrata na bahagi ng mga dokumentong kanilang hinihingi kaya hindi ito maaring ibigay sa komite.


Samantala, pinadalhan naman ng subpoena at binantaang ipapa-contempt ng komite ang tinaguriang “Sibuyas Queen” na si Leah Cruz at isang Ernesto Francisco ng YOM Trading.

Ito ay dahil muli nilang hindi sinipot ang ika-apat na pagdinig ngayong araw ng komite na pinamumunan ng chairman ng komite na si Quezon Rep. Mark Enverga ukol sa hoarding at manipulasyon sa presyo ng mga produktong agrikultural tulad ng sibuyas.

Si Marikina Representative Stella Quimbo ang nagsulong na padalhan sila ng subpoena na senegundahan ni Cavite 4th District Representative Elpidio Barzaga na siya ring nagbanta na sila ay ipapa-contempt kapag hindi muling dumalo sa susunod na hearing.

Pinapa-subpoena rin ng komite si George Ong ng Super Five Storage Committee dahil absent din sa imbestigasyon sa dahilang wala raw siyang makuhang abogado.

Facebook Comments