Tinatantya ngayon ng Mababang Kapulungan ng kongreso kung sa paanong paraan isasagawa ang kauna-unahang State of the Nation Address o SONA ni President-elect Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr.
Dalawang senaryo ang pinaghahandaan ngayon sa Kamara para sa SONA ni Marcos, ang “face-to-face” at ang hybrid.
Ayon kay House Secretary General Mark Llandro Mendoza, posible na ang pagsasagawa ng full face-to-face o personal na pagpunta ng mga bisita sa plenaryo ng Batasan Pambansa para saksihan ang SONA habang ang isang option ay hybrid, kung saan lilimitahan ang pupunta sa plenaryo at ang iba ay via online na lang.
Nakataya kasi ang mangyayari sa SONA depende sa pagtaas ng kaso ng COVID-19 sa bansa.
Sinabi ni Mendoza na prayoridad ang kaligtasan ng lahat sa harap ng muling pagtaas ng kaso ng COVID-19 kaya mahigpit na ipatutupad ang health protocols sa loob ng batasan.
Tiniyak din na patuloy ang ‘coordination meeting’ ng Kamara sa Malakanyang, Armed of the Philippines (AFP), Philippine National Police (PNP) at mga kinatawan ng Quezon City government para sa kauna-unahang SONA ni PBBM sa July 25.