Amulung, Cagayan – Nagsalpukan ang dalawang pampasaherong van matapos sumabog ang gulong ng isa sa mga naaksidenteng sasakyan.
Sa nakalap na report ng RMN Cauayan News Team mula PCI Manuel Viloria, ang hepe ng naturang bayan at sa dagdag impormasyon ng RMN Affiliate Radyo DZCV reporter Evangeline Malana, isang Isuzu passenger van patungong Timog direksyon pagawi ng Tuguegarao ang sumabog ang harapang gulong at kumabig pakaliwa na siyang dahilan upang sumadsad sa tagiliran ng kasalubong na van papuntang Hilaga sa direksiyon ng Aparri.
Nangyari ang naturang aksidente 10:25 ng umaga Octubre 1, 2017 sa Monte Alegre, Amulung, Cagayan. Ang Isuzu van ay minamaneho ni Romtum Bartolome y Buco at may sakay na 15 pasahero samantalang ang sinalpok na van ay minamaneho ni Mario Danao y Matalang at may angkas na apat na pasahero.
Agad na tumugon ang PNP Amulung at Tuguegarao Rescue 111 at dinala ang mga sakay sa Cagayan Valley Medical Center o CVMC.
Inaalam pa sa ngayon ang sitwasyon ng mga pasahero na kasalukuyang ginagamot sa ospital.