Dalawang PDL mula Bilibid, nagsampa na ng reklamong paglabag sa Anti-Torture Law laban kina Bantag at Zulueta

Pormal nang nagsampa ng kaukulang reklamo sa Department of Justice (DOJ) ang dalawang Person Deprived of Liberty o PDLs sa New Bilibid Prisons (NBP) na umano’y sinaksak ni suspended BuCor Chief Gerald Bantag.

Sabi ni Atty. Al Perrera ng BuCor, mga reklamong paglabag sa Anti-Torture Law, Serious Physical Injuries at Grave Misconduct ang inihaing reklamo laban kina Bantag at Jail Supt. Ricardo Zulueta.

Tumatayong complainant sa reklamong ito ang mga inmate na sina Ronald Usman at Jonathan Escopete.


Nag-ugat ang reklamo laban kina Bantag at Zulueta sa umano’y nangyaring pananaksak ni Bantag sa 2 PDLs ng Bilibid noong February 1, 2022.

Binigyan pa umano ni Bantag ng tig-P50,000 ang dalawang PDLs para hindi na magreklamo.

Samantala, ayon kay Perrera, bukod sa reklamo sa DOJ ng dalawang PDLs, mayroon ding iba pang inmates mula naman sa Palawan ang may reklamo laban kay Bantag.

Facebook Comments