Nakilala na ng Philippine Army (PA) ang dalawang babaeng suicide bomber sa kambal na pagsabog sa Jolo, Sulu na ikinasawi ng 17 indibidwal at nag-iwan ng higit 70 sugatan.
Ayon kay PA Commander Lt. Gen. Cirilito Sobejana, sila ay sina alyas “Nanah”, residente ng Basilan, habang ang isa naman ay si “Inda Nay” na residente ng Sulu pero narelocate sa Tawi-Tawi.
Aniya, si “Nanah” ay asawa ng unang Pinoy suicide bomber na si Norman Lasuca na nagsagawa ng pag-atake laban sa 1st Brigade Combat Team sa Sulu noong Hunyo 28, 2019.
Habang si “Inda Nay” naman ay asawa ni Islamic State conduit Abu Talha na napatay sa engkuwentro ng 1st Scout Ranger Battalion noong Nobyembre 2019.
Naniniwala naman si 11th Infantry Division at Joint Task Force Sulu Commander Brig. Gen. William Gonzales na propaganda lang ng ISIS ang pag-ako sa kambal na pagsabog sa Jolo.
Palagi naman kasi aniyang inaako ng ISIS ang mga ganitong insidente para magpasikat.
Sa ngayon, ang Abu Sayyaf Group pa rin ang kanilang pinaghihinalaang nasa likod ng kambal na pagsabog.