Dalawang puganteng Koreano na nasa likod ng multi-million online gambling syndicate, arestado

Arestado ng Bureau of Immigration (BI) Fugitive Search Unit (FSU) ang dalawang high-profile na Koreanong pugante na sangkot sa ilegal na operasyon ng online gambling sa iba’t ibang panig ng Asya.

Unang naaresto si Seo Hyemi, 38 anyos, sa kahabaan ng Ayala Avenue, Makati City noong Nobyembre 6.

Ayon sa mga awtoridad ng Korea, si Seo ay itinuturong isa sa mga utak ng operasyon ng 23 online gambling platforms, kabilang ang mga website na nag-aalok ng sports betting at casino-style games gaya ng baccarat at powerball.

Batay sa ulat, si Seo ay may Interpol Red Notice na inilabas noong Mayo 2025, kasunod ng arrest warrant mula sa Incheon District Court dahil sa paglabag sa National Sports Promotion Act ng South Korea.

Kabilang sa mga kaso laban sa kanya ang pagpapatakbo ng mga ilegal na gambling site.

Dumating siya sa Pilipinas noong Setyembre 2021 bilang pansamantalang bisita ngunit overstaying na ito.

Samantala, sa hiwalay na operasyon kinabukasan, nadakip din ng FSU, katuwang ang Korean authorities at ang PNP Intelligence Group, si Park Unbae, 48 anyos, sa Teodoro Evangelista Street, Parañaque City.

Si Park ay pinaghahanap ng Busan District Court at Eujeongbu District Court sa Korea dahil sa pagpapatakbo ng mga ilegal na online gambling sites at paglabag din sa National Sports Promotion Act.

Mayroon din siyang Interpol Red Notice na inilabas noong Agosto 2025.

Ayon sa imbestigasyon, pinatatakbo ni Park at ng kanyang mga kasabwat ang isang website kung saan maaaring tumaya ang mga gumagamit sa iba’t ibang palarong pandaigdig, kabilang ang daan-daang sports events.

Pumasok si Park sa Pilipinas noong Marso 31, 2023, at tulad ni Seo, overstaying na rin at nakalista sa blacklist at watchlist ng BI.

Dinala ang dalawang pugante sa BI Warden Facility sa Bicutan, Taguig City para sa dokumentasyon, beripikasyon, at paghahanda sa deportation proceedings.

Facebook Comments