
Inaprubahan na ng House of Representatives ang House Bill No. 8418, o panukalang batas na mabigyan ng kapangyarihan si Pangulong Ferdinand Bongbong Marcos Jr. para suspendehin o bawasan ang excise tax sa mga produktong petrolyo sa panahon na may national global economic emergencies.
247 mga kongresista ang bomoto pabor sa panukala habang tatlo ang kumontra na kinabibilangan nina Representatives Antonio Tinio, Sara Elago, Renee Co na pawang kasapi ng Makabayan Bloc.
Ang panukala ay sinertipikahang urgent ni PBBM noong nakaraang linggo.
Aamyendahan ng panukala ang National Internal Revenue Code of 1997.
Batay sa panukala, pwede lang gamitin ng pangulo ang emergency powers kapag inirekomenda ng Development Budget Coordination Committee at sa pakikipag ugnayan sa kalihim ng Department of Energy (DOE).
Magiging batayan nito kung aabot o lalagpas sa $80 ang kada bariles ang presyo ng Dubai crude oil sa loob ng isang buwan, o kung may idineklara nang state of national emergency o kalamidad na nagdulot ng matinding pagtaas ng presyo ng langis sa bansa.
Tatagal lamang ng hanggang anim na buwan ang bawat suspensyon, ngunit maaari itong palawigin o wakasan ng Kongreso ng mas maaga sa pamamagitan ng joint resolution, at hindi dapat lumampas sa isang taon ang kabuuang panahon ng pagpapatupad.










