Dalawang pulis, ipina-contempt at ipinakulong ng Senado dahil sa pagsisinungaling

Ipina-cite in contempt at ipinakukulong sa Senado nina Senators Ronald ‘Bato’ dela Rosa at Raffy Tulfo ang dalawang pulis na humarap sa imbestigasyon tungkol sa umano’y practice ng mga Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) agents na pagbibigay ng 30 percent sa nakumpiskang iligal na droga bilang reward sa kanilang mga assets.

Sa pagdinig ng Senate Committee on Public Order and Dangerous Drugs, ipinag-utos ni Dela Rosa na Chairman ng komite na i-cite in contempt at ikulong sa Senado sina Police Senior Master Sergeant Jerrywin Reborosa at Police Senior Master Sergeant Lorenzo Catarata matapos na itanggi ng mga ito na sila ang nakita sa CCTV na nagkarga at nagsauli ng 42 kilos ng iligal na droga na mula sa isinagawang anti-drug operative sa Tondo, Maynila noong Oktubre, 2022.

Ang 42 kilos ng iligal na droga na itinago umano ng dalawang pulis ay mula sa mahigit 990 kilos ng shabu na nakumpiska sa operasyon kung saan naaresto si Police Master Sgt. Rodolfo Mayo Jr.


Sa pagdinig, ibinulgar ni Philippine National Police (PNP) Director for Investigation and Detective Management Police Major General Eliseo Cruz na may nakuha silang CCTV footage kung saan nakita ang tatlong pulis na may ikinakarga sa sasakyan na hinihinalang maaaring bumawas sa drogang nakuha kay Mayo.

Ang mga pulis na nakita sa CCTV ay sina Reborosa, Catarata at ang nag-resign na si Master Sgt. Roman Jimenez .

Nagalit sina Dela Rosa at Tulfo dahil paulit-ulit na itinatanggi ng mga ito na sila ang kumuha ng mga nakumpiskang droga gayong may matibay na ebedensya.

Ang isinauling 42 kilos ng droga ay nakuha sa isang sasakyan sa harap ng opisina ng gusali ng Public Safety Mutual Benefit fund Inc., na labas lang ng Camp Crame sa Santolan Road.

Facebook Comments