Dalawang Pulis, Patay dahil sa ‘Torsi’!

4577

*Cauayan City, Isabela- *Patay ang dalawang pulis matapos na pagbabarilin ng kapwa pulis ganap na 3:30 kaninang madaling araw sa loob mismo ng kanilang barracks sa Mt. Polis, Brgy. Viewpoint, Banaue, Ifugao.

Sa nakuhang impormasyon ng 98.5 iFM Cauayan, kinilala ng Banaue Police Station ang dalawang biktima na kasapi ng 1501st Manuever Company, Regional Mobile Force Brigade (RMFB) 15 na sina PSSg Romuldo Latiego Ngina Jr, 32 anyos, may-asawa, residente ng Brgy. Utucan, Bauco, Mt Province at Patrolman Rey Roman Wan-Aten, 30 anyos, may-asawa, residente naman ng Brgy. Badew, Kibungan, Benguet.


Batay sa imbestigasyon ng pulisya, pasado ala una kaninang madaling araw nang magkayayaan na maglalaro ng “Torsi” sa kusina ang mga biktima at suspek na si PCpl Paul Cungihan Badangayon, 28 anyos, may-asawa at residente ng Brgy. O-ong, Hingyon, Ifugao.

Ilang sandali pa ay nagkaroon ng pagtatalo ang suspek at mga biktima dahil dinaya umano ng isa sa mga biktima ang suspek na dahilan ng pagkabali ng kanyang hinlalato.

Umalis muna ang suspek sa kusina at pasigaw na nagmura na narinig naman ni PSSg Ngina Jr kaya’t agad nitong sinundan sa kwarto ang suspek.

Dito na kinompronta at sinuntok ni Ngina ang noo ng suspek kaya’t agad naman itong naglabas ng kanyang baril at ipinutok ng maraming beses kay Ngina habang natamaan naman ng stray bullet si Cpl Wan-Aten na aawat sana sa kanilang bangayan.




Hindi na umabot ng buhay sa pagamutan ang dalawang pulis matapos silang ideklara na dead on arrival (DOA) ng kanilang attending physician dahil na rin sa dami ng tama ng bala ng baril sa kanilang natamo sa katawan.

Agad namang inaresto at dinala sa himpilan ng pulisya ng mga rumespondeng pulis si PCpl Badangayon para sa kaukulang dokumentasyon at pagsasampa sa kanyang kakaharaping kaso.

Facebook Comments