Ipinag-utos ni Makati Mayor Abby Binay na isara ang dalawang resto bar sa Barangay Poblacion matapos mahuling lumalabag sa curfew ordinance at health protocols kontra COVID-19.
Ayon kay Mayor Binay, ipinag-utos din niya na kanselahin ang business permit ng dalawang resto bar.
Matatandaan na noong Biyernes ng gabi, sinalakay ng Makati Philippine National Police (PNP) ang Movida Fashion Food and Club at Royal Club matapos na mapag-alaman na wala ng social distancing ang mga customer ng nasabing mga bar at patuloy ang pag-o-operate nila kahit curfew hour na.
Limampu’t isang katao na magkakaibang lahi ang nahuli sa nasabing operasyon na isinagawa ng Makati Police at Public Safety Department noong Biyernes.
Pero pinakawalan ang mga ito matapos maisyuhan ng ordinance violation tickets na may multang tig-P1,000 para sa paglabag sa curfew at sa safety protocols.
Nagbabala naman ang alkalde sa mga establisyimento sa lungsod pati na sa mga parokyano na seryosohin nila ang mga patakaran ng lungsod kaugnay sa pandemya dahil kung hindi kakaharapin nila ang mga kaukulang parusa sa sinumang lalabag.