Aarangkada na muli ang dalawang biyaheng Pangasinan-Baguio City matapos aprubahan ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board ang muling panunumbalik ng operasyon ng UV express van.
Sa inilabas na memorandum ng ahensya, dalawang ruta sa Pangasinan ang kanilang pinapayagan na kinabibilangan naman ng mga biyaheng San Carlos City-Baguio City at Lingayen-Baguio City and vice versa.
Sa biyaheng ito ay tig dalawang unit lamang ng van ang pinayagan kada araw kung saan tig isa sa umaga at hapon. Tanging sampu lamang din ang maaaring isakay na dati ay labing anim, ito ay upang maayos na obserbahan ang physical distancing sa sasakyan.
Sa mga sasakay naman, kailangan munang magkaroon ng negatibo swab test results, pagrehistro sa visitaapp ng Baguio at company id o certificate of employment naman para sa mga essential workers at vaccination cards naman para sa mga indibidwal na fully vaccinated na.
Samantala, nakikipag ugnayan parin ang pamunuan ng Pines Garage Transport Inc upang maaprubahan ang kanilang hiling ang pagbubukas na ruta sa lungsod ng Dagupan.