Dalawang subdivision sa Caloocan City, isasailalim sa extreme enhanced na lockdown mula March 22 hanggang 28

Simula sa Lunes, March 22 isasailalim ng Caloocan Local Government Unit (LGU) sa extreme enhanced na lockdown ang Kingstown 2 at Queensville sa Barangay 171.

Magsisimula ito sa alas-12:01 ng madaling araw sa Lunes hanggang alas-11:59 ng gabi sa Linggo, March 28, 2021.

Ayon kay Caloocan Mayor Oscar Malapitan, ang ipatutupad na lockdown ng pamahalaang lungsod ay bunsod ng patuloy na pagtaas ng mga kaso ng COVID-19 cases sa lugar.


Ani Malapitan, kailangan munang limitahan ang galaw ng mga residente sa dalawang subdivision upang hindi na lumaganap ang sakit.

Sa loob aniya ng pitong araw na lockdown ay magsasagawa ng mass testing, misting at disinfecting operation.

Mamamahagi naman ng food boxes ang LGU sa mga bahay kung kaya’t inaabisuhan ang mga residente na maglagay ng mga upuan sa labas ng kanilang tahanan upang mapaglagyan ng kanilang food box.

Sa kasalukuyan ay mayroong 15 kaso ng COVID-19 sa Queensville at Kingstown 2 habang may kabuuang bilang na 61 active cases naman ang Barangay 171.

Facebook Comments