Dalawang sundalo ng search and rescue unit sa bumagsak na Cessna plane sa Bicol, nasawi matapos tambangan ng NPA

Patay matapos tambangan ng New People’s Army (NPA) ang dalawang sundalo ng 31st Infantry Battalion ng 9th Infantry “spear” Division na tumutulong sa pagsasagawa ng search and rescue operations para sa bumagsak na Cessna plane sa Bicol.

Kinilala ang mga biktima na sina Pvt. John Paul Adalim at Pvt. Mark June Esico na nagtamo ng matinding tama ng bala sa kanilang katawan na naging sanhi ng kanilang agarang pagkamatay.

Ang dalawa ay bumibili ng supply para sa kanilang unit sa Barangay Cotmon, Camalig, Albay kahapon ng alas-7 ng umaga nang bigla na lamang silang pagbabarilin ng limang miyembro ng NPA.


Mariin namang kinondena ni Joint Task Force Bicolandia at 9ID Commander Maj. General Adonis Bajao ang insidente at sinabing ang pag-atake sa mga sundalong naghahatid lamang ng tulong sa mga mamamayan ay patunay ng kaduwagan at kawalan ng respeto sa karapatang pantao ng NPA.

Kasunod nito, nagpa-abot rin si Maj. Gen. Bajao ng kanyang pakikiramay sa mga naulilang mahal sa buhay ng dalawang bayaning sundalo, kasabay ng pagtitiyak na gagawin ng militar ang lahat para mapanagot sa batas ang mga responsable sa insidente.

Facebook Comments