Dalawang Taong Gulang na Bata, Patay Matapos Malunod!

Santiago City, Isabela- Patay ang dalawang taong gulang na bata matapos malunod sa isang fishpond kamakailan sa Villa Gonzaga, Santiago City, Isabela.

Kinilala ang bata na si Jelyn Deceree Juan, anak ng mag-asawang sina Jelbhoy Juan at Ronalyn Juan na pawang residente ng nasabing barangay.

Sa ibinahaging impormasyon ng PNP Station 2 Santiago City, Nanonood umano ng TV ang mga magulang ng biktima nang hindi namalayang lumabas ang bata.


Lumipas umano ang ilang sandali ay dumating ang lola ng biktima at tinanong kung nasaan si Jelyn dahilan upang hanapin ito ng kanyang mga magulang.

Nagulat na lamang ang mga magulang ng biktima sa ipinarating na impormasyon ng kanilang kapitbahay na si Jerico De Mesa kaya’t agad nilang pinuntahan ang lugar at doon natagpuang palutang-lutang sa fishpond ang kanilang anak.

Sinubukan pang itakbo sa malapit na pagamutan ang bata ngunit idineklarang Dead On Arrival.

Nasa pagsisiyasat na ng pulisya ang nasabing insidente.

Facebook Comments