Dalawang testigo sa kontrobersyal na ‘GCTA for sale,’ pinalaya na ng Senado

Lumabas na ngayong araw mula sa mahigit apat na buwang pamamalagi sa kostudiya ng senado sina Godfrey Gamboa at asawang si Yolanda Camilon na parehong testigo sa isinagawang pagdinig ng Senate Committee on Justice and Human Rights at Blue Ribbon committee.

 

Ito ay kaugnay sa nabunyag na bentahan umano ng Good Conduct Time Allowance o GCTA sa loob ng New Bilibid Prison sangkot ang mga opisyal ng Bureau of Corrections.

 

Ang paglaya ng dalawa ay alinsunod sa release order na pirmado ni Committee Chairman Senator Richard Gordon dahil natapos na ang pagdinig ng senado ukol sa nasabing kontrobersiya at mayroon na ring nailabas na committee report.


 

Sina Gamboa at Camilon, ay isinailalim sa protective costudy ng senado simula noong September 5, 2019 para sa kanilang proteksyon at para matiyak din ang kanilang pagharap sa mga pagdinig.

 

Sa senate hearing ay inilahad ng dalawa na nagbayad umano sila ng 50,000-pesos sa mga opisyal ng Bureau of Corrections para mapaaga ang paglaya ni Gamboa mula sa bilibid pero hindi naman naisakatuparan.

Facebook Comments