Dalawang unit ng PNP sa Camp Crame, nagpapatupad ng lockdown dahil sa pagtaas ng bilang ng mga nagpopositibo sa COVID-19

Pansamantalang nagpatupad ng lockdown ang dalawang unit ng Philippine National Police (PNP) sa Camp Crame sa Quezon City.

Ito ang inihayag ni Administrative Support to COVID-19 operations Task Force (ASCOTF) Commander Lieutenant General Camilo Cascolan dahil na rin sa pagtaas ng bilang ng mga nagpopositibo sa COVID-19.

Ayon kay Cascolan, simula noong Lunes ay naka-lockdown na ang gusali ng Firearms and Explosive Unit na magtatagal hanggang araw ng Linggo.


Simula naman sa Lunes, magpapatupad din ng lockdown sa tanggapan ng PNP Crime Laboratory na magtatagal rin nang isang Linggo.

Samantala, inihayag rin ni Cascolan na magpapatupad din ng “no face shield, no entry” sa Camp Crame, ito ay bilang pagsunod sa kautusan ng Inter-Agency Task Force (IATF) at para makaiwas sa pagkahawa-hawa ng COVID-19.

Batay sa huling ulat ng PNP Public Information Office, umaabot na sa 2,757 pulis ang infected ng COVID-19, sa bilang na ito 1,826 ang gumaling na at 13 pulis ang namatay na.

Inoobserbahan naman ngayon ang 762 pulis na probable case ng COVID-19 at 2,211 na pulis ay suspect case ng COVID-19.

Facebook Comments