Dalawang Other Wanted Persons (OWP) ang magkahiwalay na naaresto ng mga awtoridad sa lalawigan ng La Union bunsod ng pinaigting na kampanya laban sa mga indibidwal na may kinakaharap na kaso sa batas.
Bandang 8:20 ng umaga, isang 39-anyos na driver, at residente ng Bagulin, La Union ang naaresto na pinangunahan ng Bagulin Municipal Police Station (MPS) bilang lead unit, katuwang ang LUPIU at LUPIDMU.
Isinagawa ang pag-aresto sa bisa ng Warrant of Arrest (WOA) kaugnay ng dalawang bilang ng kasong Direct Bribery sa ilalim ng Article 210 ng Revised Penal Code. Mayroon itong ₱60,000.00 na piyansa sa bawat kaso. Ang akusado ay kasalukuyang nasa kustodiya ng Bagulin MPS.
Samantala, bandang 1:39 ng hapon ng parehong araw, isa pang wanted person ang naaresto sa bayan ng San Gabriel, La Union. Kinilala ang akusado na isang 43-anyos na babae at residente ng Las Piñas City.
Ang nasabing akusado ay inaresto sa bisa ng Warrant of Arrest para sa kasong Estafa sa ilalim ng Article 315, Paragraph 1(B) ng Revised Penal Code, na may inirekomendang piyansa na ₱35,000.00. Siya ay kasalukuyang nasa kustodiya ng San Gabriel MPS para sa kaukulang disposisyon.
Patuloy na pinaiigting ng kapulisan ang kanilang operasyon upang matiyak ang hustisya at mapanatili ang kapayapaan at kaayusan sa lalawigan.








