Dami ng mga NPA na Nagbalik-loob sa Pamahalaan, Ikinatuwa ng Alkalde ng Baggao, Cagayan

Cauayan City, Isabela- Masayang ibinahagi ni Mayor Joan Dunuan ng Baggao,Cagayan ang maraming bilang ng mga miyembro ng New People’s Army (NPA) na nagbabalik-loob sa pamahalaan.

Sa panayam ng iFM Cauayan sa alkalde, marami noon sa mga NPA members ang ayaw isuko ang kanilang sarili sa pamahalaan at hindi naniniwala sa mga tulong na maipagkakaloob sa kanila.

Labis na natutuwa ang alkalde sa mga opisyal ng barangay sa suporta upang tuluyang maging malinis ang imahe ng bayan sa usapin ng NPA.


Matatandaang may ilang barangay sa Baggao ang kinatatakutan dahil umano sa presensya noon ng mga rebeldeng grupo.

Sa tindi aniya ng takot ng ilang tao ay hirap pa rin sa mga ito na ibigay ang kanilang buong tiwala sa gobyerno.

Panawagan pa ni Dunuan sa iba’t ibang ahensya ng gobyerno na kung maibibigay sa mga tao ang nararapat na tulong gaya ng maayos na kalsada, magandang kita sa mga ani, suporta sa mga magsasaka ay matitiyak umano na hindi na aanib pa sa rebeldeng grupo ang mga tao.

Samantala, isa sa mga kailangan ng mga Bagaoeño ang farm-to-market road na matagal ng hinaing para sa mas maayos na kalakalan.

Facebook Comments