Ipinagbawal ng House of Representatives ang pagsusuot ng damit na mayroong political message sa unang State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa Lunes, July 25.
Nakasaad ito sa memorandum na ipinalabas ni House Secretary General Mark Llandro Mendoza at may petsang Hulyo 20, 2022.
Batay sa plenary protocol, ang lahat ng dadalo sa SONA pisikal man o sa pamamagitan ng video conference platform ay dapat magsuot ng Barong Filipino para sa lalaki at Filipiniana para sa babae o naaayong business attire.
Ang mga dadalo nang pisikal sa SONA ay pinaalalahanan din na dapat nasa loob na ng plenaryo ng alas-3:30 ng hapon.
Ang cellphone, radio transceiver, at mga gadgets ay dapat nakapatay habang nasa loob ng plenary hall.
Bawal rin ang pagpapa-picture sa rostrum ng plenaryo kahit tapos na ang SONA o nag-adjourn na ang joint session.
Hindi rin pinapayagan ang pagdadala ng backpack, malalaking bag at inuming naka-lata o bottled water.