Danyos na dapat bayaran kaugnay sa oil spill na dulot ng paglubog ng MT Princess Empress, posibleng umabot sa P1.1-B

Sa tingin ni House Tourism Committee Vice Chairperson at Quezon City Rep. Marvin Rillo, posibleng humigit sa P1.1 billion ang danyos na kailangang bayaran kaugnay sa malawakang oil spill na bunga ng paglubog ng MT Princess Empress.

Sa tantya ni Rillo ay mahihigitan nito ang P1.1-B na halaga ng 26,872 compensation claims ng mga naapektuhan ng paglubog ng MT Solar sa Guimaras Strait noong 2006.

Tinukoy ni Rillo na base sa record ng Oriental Mindoro provincial government, nitong March 23 ay umaabot na sa 20,932 ang mga mangingisda, 61 tourism establishments at 750 community-based organizations ang inaasahang magpa-file ng claims.


Binanggit ni Rillo na bukod sa tourism-related claimants, ay inaasahang hihingi rin ng danyos ang may-ari ng beachfront properties, fishing boats, at fishing gear na naperwisyo ng oil spill.

Ayon kay Rillo, kasama rin dito ang mga nawalan ng pagkakakitaan tulad ng mga mangingisda, seaweed farmers, at fishpond operators.

Sabi ni Rillo, inaasahan ding hihingi ng claims pati ang mga lokal na pamahalaan na gumastos ng malaki para tugunan ang oil spill kasama ang clean-up contractors at Philippine Coast Guard.

Facebook Comments