DAP | Kaso laban kay dating P-Noy, isang kalokohan – Sen. Pangilinan

Manila, Philippines – Para kay Liberal Party o LP President Senator Kiko Pangilinan, isang malaking kalokohan ang 274 counts ng malversation of public funds na isinampa laban kay dating Pangulong Noynoy Aquino, mga miyembro ng gabinete nito at ilang opposition senators.

Ang kaso ay isinampa ng truth and justice coalition kaugnay sa kontrobersyal na Disbursement Acceleration Program o DAP fund na ginamit umano para pagpapatalsik kay dating Chief Justice Renato Corona.

Giit ni Pangilinan, ang paghahain ng gawa-gawang kaso laban sa mga kritiko ng administrasyon ay paraan lamang para ilihis ang usapin sa totoong mga nagaganap na korapsyon ngayon sa gobyerno.


Inihalimbawa pa ni Pangilinan na dapat sampahan ng kasong katiwalian ay sina dating Tourism Secretary Wanda Teo at mga kapatid nito, dating Tourism Promotions Board Chief Cesar Montano, NFA Administrator Jason Aquino at dating Customs Commissioner Nicanor Faeldon.

Binigyang-diin ni Pangilinan na sa halip idiin ang mga kritiko ay makabubuting ayusin na lang ng administrasyong Duterte ang walang tigil na pagtaas sa presyo ng bilihin lalo na ang bigas at gasolina.

Facebook Comments