Manila, Philippines – Iginiit ni Senator Bam Aquino sa mga telecommunication companies na abisuhan kapag kinakaltasan ng prepaid load ang kanilang mga subscribers.
Ito ang nakikatang solusyon ni Aquino matapos ang pagdinig na isinagawa na pinamumunuan niyang committee on science and technology ukol sa umano’y mga nananakaw na load.
Sa pagdinig ay sinabi naman ni Mon Isberto, ang head ng public affairs ng Smart, na nag-aabiso sila kapag naubos ang load o kaya ay kapag binabawasan ito.
Sabi naman ni Atty. Froilan Castelo, Senior Vice President ng Corporate and Legal Services ng Globe, may paraan sila para ipaalam sa kanilang subscriber ang nababawas sa kanilang load.
Lumabas sa pagdinig na madalas nababawasan ang prepaid load dahil sa mga Value Added Services o VAS providers ng telcos na pumapatak sa dalawang piso at singkuwenta sentimos kada-text.
Para kay Senator Aquino, ito ay malinaw na panloloko ito sa mga subscribers na nararapat lamang umaksyon ang gobyerno tulad ng pagsasampa ng kaso sa mga VAS providers.
Dahil dito ay nangako naman ang Globe na simula ngayong araw hanggang March 10, ay otomatiko nilang ire-release o aalisin ang lahat ng subscribers nito sa pagkakarehistro sa mga valu added service providers.