Manila, Philippines – Iginiit ni Bayan Muna Representative. Carlos Isagani Zarate na hindi kailangan na dagdagan ang kontribusyon ng SSS para pahabain ang fund life ng ahensya.
Ito ay matapos irekomenda ng SSS na huwag munang ibigay ang pangakong P1,000 pension increase sa 2019 at planong dagdagan ng 1.5 hanggang 3% ang kontribusyon ng mga members dahil aabot na lamang hanggang 2026 ang fund life ng SSS.
Sinabi ni Zarate na dapat ipatupad muna ang mga reporma sa SSS at tulad ng naunang sinabi noon ni dating SSS Chairman Amado Valdez na “last resort” dapat ng ahensya ang pagtaas sa singil sa kontribusyon.
Giit ni Zarate, dapat na puntiryahin ng SSS ang mga delinquent employers na hindi nagre-remit sa SSS sa loob ng 10 taon.
Pinaaalis din ng kongresista ang perks and bonuses sa mga SSS board members at pinakokolekta din ang mga multa na ipinataw ng korte sa mga lumabag sa batas ng ahensiya.
Sinabi pa ni Zarate na kung ipipilit na ituloy ang increase sa kontribusyon ay napaka-insensitive na ng SSS sa pangangailangan ng kanilang mga members.