DAPAT IKUNSIDERA | Deployment ban sa Kuwait, dapat ding ipatupad sa iba pang bansa kung saan may mga kaso din ng pagmaltrato sa OFWs

Manila, Philippines – Iginiit ni Senate President Koko Pimentel sa Department of Labor and Employment (DOLE) na pag-aralan din ang pagpapatupad ng deployment ban sa iba pang mga bansa kung saan may mga kaso ng pag-abuso o mababang uri ng pagtrato sa ating mga mangagawang Pilipino.

Ang pahayag ni Pimentel ay kasunod ng kautusan ni Pangulong Rodrigo Duterte na magpatupad ng Deployment Ban sa Kuwait dahil sa mga kaso ng pagpatay at pagmaltrato sa mga Filipina domestic helper doon.

Katwiran ni Pimentel, hindi na dapat hintayin na may mamamatay pang Pilipino sa ibang bansa bago kumilos ang gobyerno.


Hindi na rin aniya dapat hintayin na magalit pa si Pangulong Duterte bago umaksyon ang mga kinauukulang ahensya para sa kaligtasan ng mga Filipino Household Service Workers.

Dagdag pa ni Pimentel, makabubuting timbangin ang ipinapasok na pera ng mga OFW sa Pilipinas kumpara sa inilalabas na pondo ng gobyerno para sila ay tulungan na makauwi gayundin ang gastos kapag sila ay may mga kaso sa abroad.

Facebook Comments