Manila, Philippines – Nanawagan sa mga Pilipino ang mga huwes, mga opistal at empleyado ng hudikatura na maging mahinahon at irespeto ang naging desisyon ng Korte Suprema sa quo warranto case ni dating Chief Justice Maria Lourdes Sereno.
Anila, dapat tanggapin at irespeto ang naging pasya ng mga mahistrado bagama’t maaari pa naman anilang maghain ng Motion for Reconsideration (MR) ang kampo ni Sereno.
Wala rin anilang sino mang nag-impluwensya sa mga mahistrado para magdesisyon na patalsikin sa pwesto si Sereno.
Maging ang executive department, kongreso, media o maging ang sambayanang Pilipino ay walang naging impluwensya sa nasabing desisyon.
Samantala, ngayong araw ay muling nagsuot ng kulay pula ang mga empleyado ng Korte Suprema para ipakita ang kanilang pagkilala sa naging desisyon ng mga mahistrado sa Sereno impeachment case.
Kasabay nito ang rally ng Volunteers Against Crime and Corruption (VACC), Citizens’ Crime Watch (CCW), puwersang Pilipino at Sereno Resign/Oust (SRO) bilang pagsuporta rin sa Supreme Court Justices.