Dapat ko po ba sya tanungin tungkol dito para sa closure?

Para sa #iFMCares ngayong umaga:

“Magandang umaga po Kapitan Dhong at Secretary Julia. Lagi ko po kayong naririnig habang papasok ako sa trabaho at naisip ko pong ikwento ito sa inyo. Itago niyo na lang po ako sa pangalang Grace. 21 years old, nagtatrabaho sa isang opisina sa Ortigas. Isa po akong NBSB o No Boyfriend Since Birth. Wala pa po akong naging lovelife noon dahil sa pag-aaral ko po ako nakatuon at hindi ko iniisip ang distractions gaya ng pag-ibig. Masyado po kasi akong high achiever at ayokong madisappoint ang mga magulang ko.
Isa pa rin sigurong dahilan ay yung itsura ko noon. Mataba po kasi ako noon kaya mababa po ang tingin ko sa sarili ko at wala akong confidence na humarap sa mga tao. Nung makagraduate po ako at makahanap ng trabaho, naging disiplinado ako at nagkaroon ng goal na ayusin ang buhay ko, magpapayat at mag-diet.

Nagawa ko po ang lahat ng iyon kaya ngayon, nabawi ko po lahat ang confidence ko. Natutunan ko pong mahalin ang sarili ko. Dumating sa point na narealize kong may kulang sa buhay ko. Siguro yun po yung lovelife. May mga dumaan at ipinapakilalang tao sa buhay ko pero hindi ko nahanap yung sparks na tinatawag nila. Hanggang sa isang araw, sinubukan ko yung Tinder. Isa po itong app sa cellphone kung saan pwede kang magswipe sa mga tao na naghahanap din. Marami akong nakausap Dhong at Julia pero hanggang Hi lang. May mga iba naman naghahanap lamang ng panandaliang ligaya. Dito ko po nakilala si Christopher, 21 yrs old.


Tubong Bulacan pero nakatira sa Navotas. Siya ang unang kumausap sakin. Akala ko pareho lang siya sa mga nauna kong nakausap na hindi nagtatagal. Pero hindi. Siya ang una kong nakausap ng matino. Gabi-gabi kami po kami naguusap sa chat. Bago ako matulog at habang siya naman ay nasa trabaho dahil night shift po siya, hindi napuputol ang usapan namin. Nagkekwento siya tungkol sa buhay niya at hindi niya po ako nakakalimutan paalalahanan at hanggang sa naging palagay na kami sa isa’isa.
Tinatawag niya akong Gracia at sa kanya Tupe. Hindi ko po alam kung bakit siya lang po ang tumawag ng Gracia sa akin na masarap sa pakiramdam. Pinupuno niya ako ng matatamis na salita, pickup lines at mga pangako na ngayon ko lang naramdaman sa buong buhay ko. Akala ko po hanggang chat lang ang lahat.

Dumating po yung araw na nagusap kami para magkita. Nag-alangan po ako noong una kasi hindi ko pa po ginawa yun. Nagkita nga po kami at siguro yun na nga po ang isa sa mga masasayang araw ko. Kahit po nahihiya ako, dinala niya yung usapan ng kadaldalan niya. Noong pauwi na kami, parang fairy tale yung feeling.

Umuulan ng mga panahon na yun, habang siya hawak yung payong. Bago rin kami maghiwalay sa MRT, ako pauwi, siya papasok ng trabaho, niyakap niya ako nang mahigpit. Hindi ko alam yung nararamdaman ko ng mga panahong iyon. Kilig at lungkot. Tumagal pa po yung usapan namin sa chat at tawagan. Umabot ng buwan.

Kahit po nung umuwi ako para magbakasyon sa probinsya, ay naguusap pa rin kami. Nagplano na rin po kaming magkita pagkabalik ko ng Maynila. Ngunit dito po nagbago ang lahat. Yung araw na magkikita kaming muli, hindi po siya nagparamdam. Kinabukasan, nagchat siya para sabihing sorry na hindi siya nakapunta dahil may sakit siya.

Tinanggap ko naman po yun at sinabing okay lang. Pero pagkatapos po nun, nahing bihira na po yung paguusap namin. Minsan magchachat po siya at sasabhing busy lang sa work. Hinayaan konlang po. Pero dumating yung isang buong linggo na wala siyang paramdam kaya di ko na rin po sinubukan munang magparamdam.

Pero sa totoo lang po, namimiss ko siya sa mga panahong iyon at mas lalo po akong nahuhulog sa kanya. makalipas ang ilang araw, magchachat na naman po siya para sabihin na namimiss niya raw po ako.

Masarap po sa pakiramdam yun pero naguguluhan rin po ako kaya sinubukan ko pong lumayo ng ilang araw. May mga araw na hindi ko po matiis kaya sinubukan ko po siyang tawagan at ayain manood ng sine. Sinagot niya at tinanog kung kelan para maayos daw niya yung schedule niya.

Pero hindi rin po yun natuloy. Ilang linggong lumipas, sumulat na ako ng mahabng message sa kanya at inamin lahat ng nararamdaman ko para subukang i-let go na yung nararamdaman ko sa kanya kahit hindi naging kami. Naseen niya lang po. Hindi ko alam kung nabasa man lang nya yun o binalewala lang. Kahapon lang po, sinibukan ko siyang hanapin sa FB. May nakita akong naka-tag siya na sobrang sumaksak sa puso ko. Nagkabalikan na pala sila ng ex niya.

Ang sakit lang makita yun. Ang sakit sakit. Bakit hindi niya na lang sinabi yun? Mas matatanggap ko naman po siguro kung sinabi nya na lang yun nung una pa lang o kaya blinock ako kung nakukulitan siya. Dapat ko pa po ba siyang tanungin tungkol dito para sa closure? Hindi ko na po alam ang gagawin ko. Natatakot na rin po akong buksan yung puso ko sa susunod. Tulungan niyo po ako.” Patuloy na kumakapit,
Grace

Anong maipapayo niyo sa kanya, bestfriend?

Facebook Comments