DAPAT LINISIN? | Reformat sa buong PNP, iginiit ng ilang mambabatas

*Manila, Philippines – Iminungkahi ni Kabataan Rep. Sarah Elago na mag-reformat ang buong institusyon ng Philippine National Police.*

*Giit ni Elago, sa halip na re-launching ng ‘Oplan Tokhang Reloaded’ ang pagkaabalahan ng PNP ay dapat na linisin ang kanilang hanay lalo’t marami pa ring mga pulis ang gumagawa ng iligal at nasasangkot sa krimen.*

*Sinabi ni Elago na kailangan ang overhaul sa PNP para mawakasan na ang mga paglabag sa karapatang pantao at palitan ang bulok na sistema ng buong institusyon.*


*Hindi aniya dapat kalimutan ang mga krimen na kinasasangkutan ng mga pulis tulad ng pagkakapatay sa mga inosenteng kabataan tulad nila Kian delos Santos at Carl Arnaiz na biktima rin ng mistaken identity ng dahil sa war on drugs campaign ng pamahalaan.*

*Tinawag pa ni Elago na isang kaipokritohan ang Oplan Tokhang Relaunch at iginiit na walang gimik ang makapagkukubli sa maraming buhay na nasayang at kawalang hustisya sa mga naging biktima ng paglabag sa karapatang pantao.*

*Dagdag pa nito, kung talagang sinsero ang gobyerno ay ipatigil na ang Oplan Tokhang at resolbahin ang mga kaso na may kaugnayan sa kampanya kontra ilegal na droga.*

Facebook Comments