Manila, Philippines – Pinahahanda ni House Committee on OFWs Vice Chairman Winston Castelo ang contingency team ng bansa sa Saudi Arabia matapos ang serye ng pagpapasabog ng missile ng mga Yemeni rebels sa Riyadh at sa tatlong iba pang siyudad sa Saudi.
Inaatasan ni Castelo ang Department of Foreign Affairs at Department of Labor and Employment na alertuhin ang contingency team ng Pilipinas sa Saudi Arabia upang tiyakin na ligtas ang mga Pilipino sa nasabing bansa.
Iginiit nito na dapat maging handa ang dalawang tanggapan dahil hindi lamang ito ang unang pagkakataon na inatake ng Yemeni rebels ang Saudi Arabia.
Hiniling din nito sa DFA at DOLE na magbigay sa publiko ng update sa sitwasyon ng mga OFWs sa Saudi Arabia at gumawa ng inventory sa mga Pilipinong nasa critical areas para agad na maalerto laban sa mga rebelde.