Manila, Philippines – Naniniwala ang ilang Chinese na kailangan manatili ang pagiging makabayan o makabansa ng bawat mamamayan upang manatiling matatag ang pagkakabigkis ng isang bansa.
Ito ang binigyang diin ng mga beteranong purong dugong Chinese na naninirahan sa bansa at isa sa mga dayuhang katuwang ng mga Pilipino noong Ikalawang Digmaan o World War II, sa ika-76 na selebrasyon ng Wha Chi Movement na sinimulan noong Sabado at tatagal ngayong buwan ng Mayo 2018.
Ayon sa mga descendant ng halos 700 na kabataang Chinese na nagkakaedad ng 15-hanggang 20 noong panahon ng pagsakop ng Hapones sa Pilipinas o 1945, ibinuwis ng kanilang mga ninuno ang kanilang buhay nang makipaglaban sa mga Hapon upang mapalakas ang laban ng mga Pilipino laban sa mananakop na Hapones.
Ilan sa mga natitira na lamang na miyembro ng Wha Chi o Wa Chi ay ang 94-anyos Veteran na si Lim Siong at Private Captain Po Sio Sin 93 anyos , nagtala ng tinatayang 260 na pakikipag-engkuwentro sa mga dayuhan, at kasapi ng United States Armed Forces in the Far East o mas kilala bilang USAFFE.
Sa pamamagitan ng kanilang mga descendant sa pangunguna ni Emily Young, nais ng dalawang natitirang beterano ng giyera na maging bahagi ng kasaysayan o maitala sa history book ng Pilipinas ang kabayanihan at katapangan ng mga purong dugong Chinese na noon pa man anila ay katuwang na ng mga Pilipino sa depensa.