Manila, Philippines – Hinimok ng ilang magulang ang Department of Education (DEPED) na sumunod sa inisyung Temporary Restraining Order (TRO) sa pagpapatupad ng cut off age requirement sa kindergarten enrollment.
Nabatid na naglabas ang Pasig City Court Executive Judge Danilo Cruz ng 72-hour o tatlong araw na TRO na pinalawig pa ni Presiding Judge Divina Gracia Pelino hanggang April 23, 2018.
Sa inilabas na memo ng DEPED, naglaan ito ng cut-off month mula June 1 hanggang August 31 para sa mga mag-aaral na magiging limang taong gulang para maka-admit sa kindergarten program.
Ayon kay Atty. Joseph Noel Estrada – maraming magulang ang nag-aalala na hindi makatuloy sa susunod na grade level ang kanilang mga anak dahil sa cut off age ng DEPED.
Iginiit ni Estrada – na mapepwersa lamang ang ilang estudyante na tumigil sa pag-aaral dahil ang kanilang birth months ay tumapat pagkatapos ng August 31 kahit makikita sa kanila ang kakayahan bilang kindergarten student.
Posible ring magdulot ng seryosong psychological at emotional stress sa bata kapag nakita nitong napag-iwanan siya ng kanyang mga ka-batch.
Sa ilalim ng Omnibus Policy on Kindergarten Education, ang age qualification para sa kindergarten learners sa mga public schools ay dapat limang taong gulang habang ang maaring kumuha ng grade ay anim na taong gulang pataas.