DAPAT UNGKATIN | Isyu kaugnay sa mga drogang galing sa China, dapat talakayin ni Pangulong Duterte kay President Xi

Manila, Philippines – Umaasa si Senator JV Ejercito na mauungkat din sa pagbisita ni Chinese President Xi Jinping ang isyu ukol sa mga drogang pumapasok sa pilipinas galing sa China.

Ayon kay Ejercito, magtatatlong taon na ang ikinasang gera kontra iligal na droga ng Duterte Administration.

Pero hindi pa rin aniya tuluyang napipilay ang operasyon ng iligal na droga sa bansa dahil andyan pa rin ang source at ang karamihan pa sa nahuhuling sangkot dito ay mga Chinese nationals.


Ikinatwiran ni Ejercito na kung talagang kaibigan natin ang China ay tutulong ito na maresolba ang problema natin sa iligal na droga.

Naniniwala si Ejercito na kung gugustuhin ng China ay kayang kayang nitong patigilin ang pagpasok ng droga sa ating bansa.

Bukod dito ay hangad din ni Ejercito na linawin ni Pangulong Duterte kay President Xi ang controversial freedom of navigation sa West Philippine Sea kung saan inaangkin ng China ang ating teritoryo.

Para kay Ejercito mahalaga din na matalakay na mabuti na dapat walang kapalit ang pagtulong ng China na maisakatuparan ang mga proyekto ng pamahalaan.

Facebook Comments