DAR, bumuo ng isang task force na mag-iimbestiga sa mga pekeng benepisyaryo ng lupa sa Hacienda Luisita

Inihayag ngayon ng pamunuan ng Department of Agrarian Reform(DAR) na kanila ng iniimbestigahan kung mayroong mga magsasaka na hindi naman residente ng Tarlac subalit nabigyan ng bahagi ng lupa sa kontrobersyal na Hacienda Luisita na pagmamay-ari ng pamilya ni dating Pangulong Corazon Aquino.

Ito ang inihayag ng DAR kasunod ng pagsalin sa pwesto ni Secretary John Castriciones, kanina sa bagong mamumuno sa ahensiya na si Acting Secretary Bernie Cruz.

Ayon kay DAR Usec. for Field Operation Office Head Atty. Elmer Distor bumuo na ng Task Force ang ahensiya na tututok para dito.


Paliwanag naman ni OIC Secretary Bernie Cruz, na ang tanging batayan sa pag-iisyu ng Certificate of Land Ownership (CLO) sa mga magsasaka ay dapat residente ng Tarlac.

Giit ng bagong kalihim na kung mapapatunayan umano na peke ang isang beneficiary ay madidiskwalipika ito at otomatikong babawiin at ibibigay sa iba ang lupa.

Nakatakda naman maglabas ng resulta ng imbestigasyon ang binuong task force matapos ang isang linggo.

Matatandaan na taong 2012, habang nakaupo sa pwesto si dating Pangulong Noynoy Aquino nang maglabas ng kautusan ang Korte Suprema na nag-aatas sa mga Cojuangco na ipamigay sa mga orihinal at lehitimong magsasaka ang 4,915-ektaryang bahagi ng Hacienda Luisita sa Tarlac.

Facebook Comments