Hinikayat ng Department of Agrarian Reform (DAR) ang mga magsasaka na kasapi ng Turague Agrarian Farmers Association o TAFA sa Camarines Sur na labanan ang gutom at kahirapan sa pamamagitan ng pagtatanim ng gulay.
Ayon kay DAR Assistant Director for Operations Engr. Romulo Britanico, ito ay upang mapalakas ang partisipasyon ng mga magsasaka sa Enhanced Partnership Against Hunger and Poverty o EPAHP convergence program ng pamahalaan
Aniya, sa pamamagitan ng EPAHP program mapapalakas ang mga ani at kita ng mga local farmers sa naturang lugar para sa kanilang pamilya.
Paliwanag nito, bukod sa bibilhin ng pamahalaan at pribadong sektor ang kanilang mga produkto, maglilikha rin ito ng mga trabaho at tutulungan ang mga magsasaka na mailapit sa mga negosyante at malalaking pamilihan.
Sinabi pa ni Britanico, responsibilidad sila ng DAR at bilang benepisyaryo ng EPAHP pinagkalooban ang mga ito ng 30 manok, mga patuka, isang greenhouse, isang grass cutter, isang submersible water pump, mga garden tools, at iba’t ibang mga buto ng gulay na itatanim sa 800 square meters na lupain ng Turague community school.
Ang nasabing lupain ang magiging community organic vegetable garden ngTAFA sa loob ng dalawang taon.