Thursday, February 5, 2026

DAR, ipinag-utos ang agarang imbestigasyon sa umano’y land grabbing sa mga naipamigay na lupa ng gobyerno sa mga magsasaka sa Capas, Tarlac

Ipinag-utos ni Agrarian Reform Secretary Condrado Estrella III na agarang imbestigasyon sa umano’y land grabbing sa mga lupang naipamahagi na ng pamahalaan sa Capas, Tarlac.

Kasunod ito ng alegasyon ng United Pilipino Against Crime and Corruption (UPACC) na naiilipat umano sa isang kasalukuyang mambabatas sa Tarlac ang daan-daang ektarya ng lupa sa naturang probinsya.

Kung saan batay sa ulat na natanggap ng kagawaran ay aabot sa 187 hectares ng lupang pansakahan ang nailipat sa isang kumpanyang hinihinalang pagmamay-ari ng isang nakaupong kongresista.

Nakasaad sa inilabas na Special Order No. 67 ng DAR ang pagsasagawa ng imbestigasyon sa mga detalye at katotohanan kahit na nangyari ang umano’y pagkamkam bago pa siya umupo sa pwesto.

Binibigyan lamang ng 15 araw ng kalihim si DAR – Region 3 Director Luna na magsumite ng kumpletong report at rekomendasyon na gagamiting batayan sa pagsasampa ng kaso.

Giit ni Estrella na seryosong paratang ito at nakakaapekto sa tunay na diwa ng reporma sa lupa.

Hindi kailanman kukunsintihin ng kagawaran ang anumang pang-aabuso sa mga umiiral na batas pagdating sa agrarian reform.

Facebook Comments