DAR, nagpasaklolo sa pangulo na isasama ang mga magsasaka sa mga tatanggap ng medical assistance program ng pamahalaan

Humingi ng tulong si Agrarian Reform Secretary Conrado Estrella III kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr., na isama ang mga Agrarian Reform Beneficiaries (ARBs) sa mga tatanggap ng programang Medical Assistance for Indigent Patient (MAIP) ng Department of Health.

Ayon kay Secretary Estrella, ang MAIP ay isang programa ng DOH na nagbibigay ng tulong medikal para sa mga mahihirap na pasyente sa bansa na naghahanap ng konsultasyon, rehabilitasyon, pagsusuri o papapa-ospital sa mga pampublikong ospital.

Paliwanag ni Estrella na bahagi ito ng 9-point priority areas na tinukoy ng DAR, bilang tugon sa panawagan ng Pangulo na ipagpatuloy ang agrarian reform program at pagtuunan ng pansin ang pangangailangan ng mga magsasaka sa buong bansa.


Dagdag pa ng kalihim na bukod sa pagbibigay ng mga solusyon sa mga problema sa seguridad ng pagmamay-ari ng lupa, pagbibigay ng hustisyang agraryo at pagkakaloob ng mga suportang serbisyo, isinasaalang-alang din ng DAR ang iba pang mga pasanin na dalahin ng mga ARB.

Giit pa ni Estrella na kailangan ding tugunan ng DAR ang mga medikal na alalahanin ng mga ARB dahil karamihan sa kanila ay kabilang sa mahihirap na sektor ng lipunan kung saan ay iminungkahi na niya sa isa sa mga pulong ng gabinete kasama ang pangulo na isama sa saklaw ng DOH ang mga ARB bilang mga tatanggap ng MAIP at tiniyak sa mga ARB na sila ay isasama sa nasabing programa pagsapit ng 2023.

Facebook Comments