Manila, Philippines – Nagtatag ang Department of Agrarian Reform (DAR) ng sariling Anti-Corruption Task Force bilang suporta sa kampanya ni Pangulong Rodrigo Duterte laban sa korapsyon.
Ayon kay Agrarian Reform Secretary John Castriciones, layunin nito na mapaimbestigahan ang mga sumbong laban sa ilang matiwaling DAR personnel at ilang indibidwal at grupo na sangkot sa illegal transactions.
Kasunod ito ng mga impormasyon na may ilang grupo ang ipinangangalandakan na may mga koneksyon sila sa loob ng ahensya at kayang lakarin ang agarang resolusyon ng kanilang pending cases sa DAR.
Pamumunuan ng Internal Audit Director Alexander Alimmudin Ali ang Anti-Corruption Task Force at ang Internal Audit Division naman ng ahensya ang magsisilbing Secretariat nito.
Hinimok ni Castriciones ang mga DAR employees na makipagtulungan upang linisin ang ahensya laban sa katiwalian.
Nanawagan naman si Director Ali sa mga kliyente ng DAR, lalo na ang mga magsasaka na huwag mag-atubiling magsumbong sa katiwalian na ginagawa ng mga opisyal o empleyado ng DAR.