DAR Secretary John Castriciones, deadma sa isyu sa mga welcome banners tuwing may aktibidad ang DAR sa mga lalawigan

Walang nakikitang problema si Department of Agrarian Reform (DAR) Secretary John Castriciones sa mga welcome banner na inihahanda ng mga DAR field office kung saan siya ay bumibisita upang magkaloob ng Certificates of Land Ownership Award (CLOA) sa agrarian reform beneficiaries.

Reaksyon ito ni Castriciones sa hamon ng Kilusang Magbubukid ng Pilipinas (KMP) na kung talagang taos-puso ang kaniyang layunin ay tanggalin ng kalihim ang kaniyang mga mukha at pangalan sa tarpaulin na nakalagay tuwing may seremonya ng pamamahagi ng mga CLOA at iba pang may kaugnayang aktibidad ang DAR sa mga lalawigan.

Ayon kay Castriciones, ang paggamit ng mga tarpaulin ay hindi naging isyu sa KMP noong panahon ng mga naunang kalihim ng DAR.


Aniya, sina Secretary Virgilio delos Reyes at Rafael “Ka Paeng Mariano ay sinasalubong din noon ng mga pagbati sa pamamagitan ng mga banner sa mga nakaraang aktibidad ng DAR.

Sinabi ni Castriciones na layunin lang ng mga tarpaulin na maghatid ng impormasyon at ipaalam sa publiko ang mga aktibidad sa lugar.

Binigyang diin ni Castriciones na wala siyang nilalabag na batas sa halalan dahil ang panahon ng kampanya para sa pambansang botohan para sa Mayo 9, 2022 ay magsisimula mula Pebrero 8 hanggang Mayo 7, 2022.

Facebook Comments