Umapila kay Pangulong Rodrigo Duterte si Daraga Albay Mayor Carlowyn Baldo ng tulong makaraang makatanggap ng seryosong banta sa kanyang buhay kaugnay ng diumano’y pagkakasangkot nito sa pagpatay kay AKO Bicol Rep. Rodel Batocabe.
Sa ginanap na Presscon sa Maynila, ipinanukala ng alkalde ng Daraga Albay na dito lamang sa Maynila isagawa ang paglilitis at hindi sa Legazpi. Bunga ito ng mga seryosong banta sa kanyang buhay at sa kanyang pamilya.
Mas malaki aniya ang posibilidad na makamit ni Baldo ang hustisya kung isasagawa sa Maynila ang paglilitis upang tuluyang mabatid ng taumbayan kung sino ang tunay na nagpapatay kay Congressman Batocabe.
Ayon kay Baldo, mayroong panggigipit na nangyayari sa Legazpi City na ang layunin ay idiniin siya sa kaso upang manatiling nakalalaya ang mga totoong nagpapatay kay Congressman Batocabe.
Matatandaan na binaril at napatay ng mga salarin si Batocabe noong Disyembre nang nakaraang taon at iniugnay sa krimen si Mayor Balde batay lamang sa hinalang takot ito sa pagtakbo bilang alkalde ng nasirang Kongresista.
Ito rin ang naging batayan ng DOJ upang isangkot si Mayor Baldo sa krimen, ngunit ayon kay Mayor Baldo malakas ang physical evidence na nagpapatunay na hindi siya ang nagpapatay kay Batocabe.