Dargani at Ong, mananatili sa Pasay City Jail hangga’t hindi isinusumite ang mga hinihinging dokumento ng Senado

Kahapon ay inilipat na ng Senado sa Pasay City Jail ang mga opisyal ng Pharmally Pharmaceutical Corporations na sina Mohit Dargani at Linconn Ong.

Ayon kay Senate Blue Ribbon Committee Chairman Senator Richard Gordon, mananatili sa Pasay City Jail sina Dargani at Ong hangga’t hindi nila naisusumite sa Senado ang mga dokumento ukol sa financial statements ng Pharmally.

Dapat din ay sagutin muna nina Dargani at Ong ang tanong ng mga senador kaugnay sa iniimbestigahang iregularidad sa pagbili ng pandemic supplies.


Sa Biyernes, December 3, alas-2:00 ng hapon ay magpapatuloy ang ika-16 na pagdinig ng komite kung saan obligadong humarap sina Dargani at Ong.

Makikipag-ugnayan ang Senate Sergeant-at-Arms sa warden ng Pasay City Jail para dito.

Samantala, naiwan naman sa kostudiya ng Senado ang kapatid ni Mohit na si Twinkle Dargani na Pangulo ng Pharmally bilang konsiderasyon sa umano’y pagdanas nito ng mental health problem.

Isang psychiatric doctor na ni-request ng pamilya Dargani ang bumisita sa Senado at nagsagawa ng initial evaluation sa mental health condition ni Twinkle.

Facebook Comments