Data bank ng mga Mandaleño, pinamamadali para COVID-19 vaccine

Inatasan ni Mandaluyong City Mayor Menchie Abalos ang 27 barangay captains sa lungsod na pabilisin ang pagproseso ng F1 forms (Family Form 1) para makumpleto ang data bank ng lahat ng Mandaleño.

Kasunod ito ng pag-aanunsyo na naglaan ang pamahalaang lungsod ng P200 milyong pondo na gagamitin para sa pagbili ng COVID-19 vaccines.

Paliwanag ng alkalde na isang COVID-19 Cluster Committee rin ang binuo upang mangangasiwa sa pagkuha ng bakuna at titiyak na may sapat na bakuna para sa lahat ng mamamayan ng lungsod.


Inaasahang makukumpleto ngayong buwan ng Pebrero ang data bank ng mga residente sa lungsod at tinatayang sa March o April ng taong ito ay mayroon nang COVID-19 vaccine.

Inaasahan ding ilulunsad ng pamahalaang lungsod sa susunod na linggo ang binuong mobile app na magsisilbing registration portal para sa mga Mandaleñong boluntaryong magpapabakuna.

Facebook Comments